30 0 172KB
Ang Modernisasyon ng Filipino at Pagbabago sa Gramatika Hindi maikakaila na ang wika at teknolohiya ay lubhang magkaugnay. Ang modernisasyon na sadyang nakaugnay sa araw-araw na gawain ay nakadepende sa paggamit ng teknolohiya. Samantalang ang teknolohiya ay gumagamit din ng wika. Sapagkat isa ang internet sa mga mabibisang platform sa komunikasyon, ang wika ay lubha nitong naaapektuhan. Sa katunayan, malaki ang naitutulong ng teknolohiya sa ating lahat. Ngunit sadyang malaki rin ang pagbabago na nagagawa nito sa wikang Filipino lalo na sa modernisasyon nito. Sa araling ito, magiging layunin ang sumusunod: 1. Natatalakay ang modernisasyon ng wikang Filipino. 2. Nailalahad ang mga dahilan ng pagbabago sa gramatika. 3. Nakikilala ang mga modernong salita at ang kahulugan ng mga ito.
ALAMIN Ang Modernisasyon ng Filipino ni Angelyn D. Ladera Ang tanging bagay na patuloy na umiikot sa mundong ating ginagalawan ay ang tinatawag nating “PAGBABAGO”. Ito ay nangyayari sa lahat, maaaring sa isang lugar, bagay, sa tao at pati na rin sa ating wika. Sa estado ng lipunan sa kasalukuyan ay kapansin-pansin ang napakabilis na pagbabago at pag-unlad. Sa modernong panahon, ang bilis na umuusbong ang mga produkto ng makabagong teknolohiya na tulad ng cellphone, laptop, telebisyon at iba pa. Maihahanay rin siguro dito ang internet at iba’t ibang social media sites. Ang pagbabagong hatid ng modernisasyon ay kakaiba sapagkat nariyan ang makabagong teknolohiya na nagpapadali sa lahat ng gawain. Nagiging mas madali ang paraan ng pakikipag-usap sa ibang tao, pagkalap ng mga bagong impormasyon, at higit sa lahat, mas mabisang paraan upang mag-aral at matuto ng mga bagay-bagay. Karamihan sa mga estudyante sa panahon ngayon ay gumagamit ng internet at social media dahil mas mapadali ang pagkuha ng impormasyon at paraan ng pakikipagkomunikasyon. Sa kabila nito, hindi rin natin maitatatwa na dahil sa makabagong teknolohiya, nagkaroon ng malawakang kalayaan sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan, kasabay nito ay umusbong na rin ang mga salitang bago na patok na ginagamit sa pakikipag-usap lalong-lalo na ng mga millenial. Gamit ang makabagong teknolohiya, nagagawa ng wika na malagom pa lalo ang saklaw nito. Ang “internet” ang nagbigay daan sa global na komunikasyon. Gaano man kalayo sa isa’t isa ang dalawang tao, gamit ang wika at gadget ay patuloy silang nakakapagpalitan ng mensahe sa napakabilis na paraan. Dulot ng interaksyon na ito sa modernong kaparaanan ay maraming salita ang nadagdag, naimbento at nabago sa ating wika. Marami ring salita ang nauso at nakakuha ng pansin ng mga tao. Ang henerasyon ngayon, lalo na ang mga millenial, ang may malaking papel na ginagampanan sa pagpapayaman, pagpapalago at pagbabago ng wika. Umusbong mula sa kanila, halimbawa, ang selfie, hashtag, emoji, groupie, tiktok at iba pa na hinalaw at ginagamit na ngayon sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan. Hindi rin pahuhuli ang mga bagong salita na pinasikat ng mga kilalang personalidad sa industriya ng mass media tulad ng pak ganern, boom panes, nega, lodi, petmalu, werpa, rebound, pabebe at iba pa na patok na patok sa taong bayan. Nariyan din ang paraan ng text messaging na kung saan ay pinaiikli ang salita o sadyang abbreviation lamang ang ginagamit tulad ng “LOL” (laugh out loud), “BTW” (by the way), “OTW” (on the way), “OOTD” (outfit of the day) at marami pang iba. Ang kabataan ang may pinakamalaking parte sa pagbabago ng iba’t ibang bagay katulad ng wika dahil sila ay nabibilang sa henerasyon na may malawak na kapasidad sa pagtuklas. Dahil dito, malinaw nilang nasusubaybayan
ang mga pagbabagong nagaganap sa paligid partikular na ang wika sa social media. Nangangahulugan lamang na sa pagbabago ng lipunan, ang Filipino ay nakikisabay rin sa uso at nakikibagay sa takbo ng panahon. Ang tanong, nasa ayos ba ang pagbabagong nagaganap sa wikang Filipino? Sa pagbabago o sa nangyayaring modernisasyon ng Filipino ay tila hati ang opinyon ng taumbayan. May mga sumasang-ayon at may mga hindi rin pabor sa pagbabago ng wika. Sa mga tutol, nangangatwiran sila na ang labis na pagbabago sa paraan ng paggamit ng wikang dating nakasanayan ay maaaring maging dahilan ng pagkamatay ng wika na maaaring humantong sa pagyao din ng ilan sa ating kinagisnang kultura. Sa pag-usbong ng modernong teknolohiya at mga bagong paraan ng pakikipagkomunikasyon, hindi maiiwasan na may mga sinaunang salita na mababaon sa limot o mapaglilipasan ng panahon. Hindi Namamatay ang Wika Dinamiko ang wika, diin ni Imelda De Castro, propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas. “Maaaring mawala ang wika pero mas madalas na nag-e-evolve ito. Kaya meron mang mamatay, may nabubuhay at napapanatili na buhay ang wika,” dagdag niya. Nabanggit din ni De Castro, ang kahalagahan ng tamang estruktura at gramatika sa Filipino upang makamit ang estandardisasyon ng wika tungo sa mas progresibo at modernisadong Filipino. “Ang wika ay kailangang sumulong sa tinatawag na transpormasyon para maka-adapt ito sa pagbabago ng panahon,” ani De Castro. Sinang-ayunan ito ni Randolf David, isang kolumnista sa Philippine Daily Inquirer. Wika niya, may namamatay na wika araw-araw ngunit patuloy na nabubuhay ang ibang wika sa pamamagitan ng pagsusulat at pagiisip. Paliwanag naman ni Prof. April Perez ng University of the Philippines-Filipino Department, malaki ang nagagawa ng teknolohiya at modernisasyon sa paggamit ng ilang salita. Aniya, higit na akma na gamitin ang mga salita na may kinalaman sa modernong panahon at mas nauunawaan ng mas malaking bahagi ng populasyon. Ayon naman sa dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Dr. Virgilio Almario, nahirapan siya noong una sa text language ng millennials. Kuwento niya, kinakailangang unawain ang mga bagong gamit ng salita para mas mapabilis ang pagsagot sa mga text message ng millennials, tulad ng mga abbreviation na "BTW" o "by the way" at "OTW" o "on the way." Bilang dating punong tagasuri ng wikang Filipino, wala siyang nakikitang masama sa pagbabago sa wika. Baka nga raw lalong hindi maintindihan ang mga susunod na henerasyon kung mananatiling makaluma ang paggamit sa wika. Dahil buhay ang wika, ang pagbabago nito ay isang katotohanang kailangang tanggapin. Ang mahalaga ay nauunawan ito ng bawat isa. Ang Wikang Filipino ay yumayabong at patuloy nitong niyayakap ang mga pagbabago sa panahon. Kung ang wika ay para sa komunikasyon o pakikipagtalastasan, at ang komunikasyon ay para sa pagkakaunawaan marapat lamang na ito ay payabungin at pagyamanin. Higit sa lahat, ang mahalaga ay hindi nagbabago ang layunin nito sa ating mga Filipino, at iyan ay pagbuklurin tayo bilang isang bansang malaya na may sariling wika. Pagbabago sa Gramatika Ang wikang buhay ay sadyang patuloy na nagbabago. Ang mali ngayon ay maaaring maging katanggaptanggap bukas. Kaya dapat maging bukas ang isip natin sa pagbabago. Wika nga ni Lope K. Santos, ang “bibig ng bayan” ang may panghuling pasya. Narito ang ilang pagbabago sa gramatika ng wikang Filipino. Halaw sa: “Sumisibol na Gramatika sa Filipino: Ilang Obserbasyon sa mga Kalakaran/Pagbabago sa Wika” ni Aurora E. Batnag (2017). Pansinin ang ilang pahayag sa ibaba:
• • • • • •
Ipindot mo, Ihinto ko. Anong ginagawa mo rito? Sagot: Dito kaya ako nakatira. Masaya ako, kasi kikitain ko na bukas ang matagal ko nang ka-chat. Ipinatawag siya ni Senate Finance Committee Chair Juan Ponce Enrile. Noon kasi, although kilala na siya, hindi raw siya tinitilian. So nagsikap siya para mas sumikat pa. Matatalino ang mga student ko ngayon.
Ang mga nasabing pangungusap ay ilan lamang sa mga pahayag na karaniwang naririnig ngayon. Kung ikaw ay isang gramaryan, isasama mo na ba sa iyong paglalarawan ng wikang Filipino ang mga pangungusap na ito? May mga nagsasabing may nabubuo nang mga pagbabago sa gramatika, na hindi pa naitatala sa mga aklat ng gramatika, o hindi pa napag-uukulan ng pagsusuri. Tinawag itong “emerging grammar” ng ilan, na maaaring tumbasan sa Filipino ng “sumisibol na gramatika.” Ilang Obserbasyon sa mga Bagong Kalakaran/Pagbabago sa Wika Ang paggamit ng salitang “siya”. Ang salitang siya ay isahang panghalip panao sa pangatlong panauhan ayon sa Balarila ng Wikang Pambansa (1939) ni Lope K. Santos. Ito ang gamit ng siya na alam ng lahat, maging guro o estudyante ng wikang Filipino. Subalit sa ngayon ay palasak na ang paggamit ng panghalip na “siya” hindi lamang bilang panao kundi pati na rin bagay, lugar at iba pa. Pansinin ang sumusunod na halimbawa kung paano nagamit ang “siya”. Noong panahon ng panunungkulan ni Lito Atienza ng Maynila, makikita sa lahat ng sulok ng lungsod ang ganito: •
Maynila: Atin siya. -Pansinin kung paano ginamit ang panghalip na panao na siya. Ito ay nagamit bilang pantukoy sa isang lugar.
Iba pang mga halimbawa: • • •
“Masarap siya.” (Mula sa isang TV komersiyal na ang tinutukoy ay palaman ng tinapay) “Akala nami’y matibay ang pader, pero sa biglang buhos ng ulan ay agad siyang bumigay. (Ito ang sinabi ng isa sa mga biktima nang gumuho ang isang mataas na pader at matabunan ang ilang bahay ng iskuwater) “Bago mo siya pindutin, tiyakin mo munang nakasaksak na ang computer.” (Ito ay bilin ng guro sa kaniyang estudyante.)
Narito ang ilan pang mga halimbawa kung paano ginamit ang panghalip na “siya” sa sumusunod na pahayag: • •
“Tawag ako nang tawag sa iyo kanina pa, ring lang siya nang ring pero walang sumasagot.” “Tinakpan ko na nga siya pero nabungkal pa rin ng pusa.”
Dadako naman tayo sa pag-uulit ng salita. Matagal nang pinagtatalunan kung alin ang dapat ulitin– ang salitang ugat ba o ang panlapi? Noong 1987 ay nilutas ang problema sa tuntunin sa bagong alpabeto at tuntunin sa pagbabaybay na ipinalabas ng noo’y Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) sa pamamagitan ng noo’y Department of Education Culture and Sports (DECS). Tanggap ang dalawang anyo: kapwa tama ang nakakahiya at ang nakahihiya. Ngunit tila nagkulang sa paliwanag kung bakit kapwa tama ang dalawang anyo. Ayon sa tuntunin sa mga aklat sa gramatika, sa pagbabanghay ng pandiwa, inuulit ang unang pantig ng salitang ugat. Upang ipakitang mali ang tuntunin, ibinibigay na halimbawa ang salitang “nagpaplantsa”. Ang unang pantig ay
plan, kung uulitin ang unang pantig ay magiging nagplanplantsa na wala namang gumagamit ng ganito. Iniwasto ito sa kalaunan: ang inuulit ay unang katinig at unang patinig ng salitang ugat kaya ito ay naging nagpaplantsa. Balikan naman natin ang nakakahiya o nakahihiya? Salitang ugat: hiya Word base: kahiya Panlapi: na Sa ganitong pagsusuri, ano ang inuulit? Kung ating susuriin, hindi ang salitang ugat ang inuulit kundi ang unang katinig at unang patinig ng base (tinatawag ding word stem). Itinuro noon sa mga lumang aklat ng balarila na ang mga panlapi ay ma-, mag-, maka-, maki-, makapag-, at iba pa. Sa makabagong pananaw, hinahati-hati ang mga ito: ma-+ ka-+ pag-+ at ang pinakahuling pantig lamang ang itinuturing na panlaping makadiwa. Kapag ganito ang pagsusuri, mas magiging malawak ang saklaw ng tuntunin at makikita nating pumapasok sa tuntunin ang iba pang mga halimbawa. Nakikipaglaban at hindi nakipaglalaban Nakikigamit at hindi nakigagamit Nagsisipag-alisan at hindi nagsipag-aalisan Gayon man, malawakan nang ginagamit lalo na sa pasulat na komunikasyon ang pag-uulit ng unang K at unang P ng salitang-ugat. Ganito ang obserbasyon sa mga salitang kinakabitan ng ma- +ka-+: Kapwa ginagamit ang dalawang anyo: nakakahiya nakakalungkot nakakadismaya nakakatanda
nakahihiya nakalulungkot nakadidismaya nakatatanda
May dalawang anyo, kung magkagayon, kapag may pa- sa word base. Ganito ang naoobserbahan: Naipapadala Naipapaliwanag Naipapahayag Pinapasagot Pinapasagot
naipadadala naipaliliwanag naipahahayag pinasasagot pinasasagot
Sa kaso ng “ipinapalagay” at “ipinalalagay.” masasabing may pagkakaiba sa kahulugan ang dalawang salita: ipinapalagay (opinyon) ipinalalagay (dalhin sa isang lugar ang isang bagay) Sa nakararaming tagagamit ay sinasabing walang distinksiyon ang dalawa. Dahil ganito naman talaga ang isang modernisadong wika, nagiging mas malawak ang kahulugang saklaw ng iisang salita. Kongklusyon: ang anyo ng salita na unang K at unang P ng salitang ugat ang inuulit ay karaniwang nakikita sa pasulat na anyo, lalo na sa mga teksbuk at iba pang pormal na sulatin. Samantala, sa pagsasalita ay mas gamitin ang anyo ng salita na ang inuulit ay ang unang pantig ng word base. Masasabing talagang may divided usage sa pag-uulit ng mga panlapi at salita ugat. Kung ang ang kabataan ang tatanungin, mas pabor silang ulitin ang ka-: Kakakain ko pa lamang nang dumating siya. Kakabili ko ng damit para sa parti na di na pala matutuloy. Kakakitakits lang namin kanina.
Ang tanong, ang mga nabanggit bang halimbawa ay ipinalalagay nang nasa aspektong kakatapos? Sa kabilang dako naman, nagsimula ang pagtatangkang pag-ibahin ang gamit ng nang at ng sa Balarila ng Wikang Pambansa noong 1939. Bago nito, makikita sa mga lumang teksto na hindi estandardisado ang gamit. Karaniwang nang ang ginangamit ngunit paminsan-minsan ay makikitang may gumagamit din ng ng. Sa ngayon, ayon sa tuntunin ng wastong gamit ay may kani-kaniyang gamit ang dalawang salita. Ngunit sa aktuwal na gamit ng nakararaming mamamayan ay laging nagkakabaligtad ang dalawa. Halimbawa: Naghahanapbuhay ng patas Sumigaw ng malakas Linggo nang tanghali Makita nang sambayanan Paglalapi Sa kaso naman ng panlapi, may sariling kahulugan ang mga ito kaya posibleng magbago ang kahulugan ng mga salita batay sa panlaping ginamit. Halimbawa: bumili at magbili May mga panlapi rin naman na maaaring magkapalitan, tulad halimbawa ng i- at –in. May mga pandiwang magkatulad ng kahulugan o parehong resulta rin ang makukuha alin man sa dalawa ang gamitin. Mga halimbawa: Iluto Iprito Iihaw Igisa
lutuin prituhin ihawin gisahin
Posible ring magbago ang kahulugan dahil iba na ang magiging resulta depende sa panlaping ginamit tulad ng : Iakyat Ibili
akyatin bilhin
May mga nakatakda nang mga panlapi sa bawat salitang ugat upang maipahayag ang gustong kahulugan. Sa dami ng gumagamit ng Filipino na hindi taal na nagsasalita ng wikang ito, maraming pumapasok na ibang gamit. Talakayin natin ngayon ang mga bagong panlapi: Ipindot mo. Ihinto ko. Makikita rito ang paglawak ng saklaw ng gamit ng panlaping i-. Idagdag pa na mas karaniwan ang paggamit ng unlapi kaysa hulapi kapag hiram na salita ang nilalapian. Halimbawa: i-computer hindi computerin i-discuss hindi discuss-in i-challenge hindi challenge-in i-xerox hindi xerox-in May mga bagong estrukturang hiram sa Ingles na pumapasok na sa Filipino: Halimbawa: Sina Pinoy Dream Academy Season 2 Grandstar Dreamer Laarni Lozada at First Runner-up Bugoy Drilon. (Dati ay ganito: Sina Laarni Lozada, Pinoy Dream Academy Season 2 Grand Dreamer, at Bugoy Drilon, First Runner-up.)
Paunti-unti ay may pumapasok nang impluwensiya ng Ingles sa sintaks. Maaari ding idagdag ang paggamit ng siya upang tukuyin ang mga bagay na walang buhay, na natalakay na. Karaniwan ang pagpupungos o pagkakaltas ng mga pantig sa unahan ng salita. Karaniwang nasasaksihan ang ganitong pagkakaltas sa kaso ng unlaping i-: (i) Pininta (i) Nirekomenda (i) Pinasasagot (i) Tinatanong Parang apoy na lumalaganap ngayon ang paggamit ng kaya sa ganitong mga sitwasyon: Dito kaya ako nakatira, ano? Busog na ako, kumain na kaya ako. Dating saklaw ng gamit ng kaya: 1. Nagmumungkahi: Lumunok ka kaya nito, baka makabuti sa iyo. 2. Nagdududa: Ipinuslit nga kaya niya ang P670M fertilizer fund. May bagong gamit ang kaya sa mga halimbawa sa itaas. Mga Bagong Pahayag . Palasak na rin ngayon ang sumusunod: • Huli kasi siyang dumating so nahuli rin ako. • Sige na nga, payag na ako, although hihingin pa rin natin ang opinyon niya. Sasabihin na ba natin na ang mga ito ay mga bagong pang-ugnay? Sumisibol na mga bagong pananaw sa pagsusuri ng gramatika? Bilang pamparami ng pangngalan. Palasak ngayon ang panghihiram ng mga salitang Ingles na may “S” sa dulo. Halimbawa: mga girls, mga boys, students, administrators, friends, at iba pa. Ibig bang sabihin nito’y pluralizer na sa Filipino ang S tulad sa Ingles? Hindi. Dahil gaya sa naunang paliwanag tungkol sa mga “bagong panlapi” hindi S lamang ang hinihiram kundi ang buong salita. Masasabi lamang na pamparami na ng pangngalan ang S kung tinatanggap na ang babaes, lalakis, sanggols, atb. Kung ang pagbabatayan sa gramatika ng wikang Filipino ay ang mga nakasulat sa aklat ng gramatika, ang mga natalakay ay hindi pa maituturing na bahagi na ng gramatikang Filipino. Ito ay ilan lamang sa mga obserbasyon base sa paraan ng pakikipagtalastasan o nakagawiang paraan ng pagsasalita ng mga Pinoy sa kasalukuyan. Ang mga ito’y mananatiling sumisibol na gramatika ngunit hindi rin natin maaaring sabihing mananatili itong mali o lihis sa istandard ng kawastuan dahil sa pagdaan ng panahon ay mangyaring katanggap-tanggap ang ganitong paraan ng talastasan, maging matatag at bahagi na ng gramatikang Filipino. Maaari ding sabihin na ang klasikong Filipino sa titikan ni Balagtas ay sa kaniyang panahunan. Kung ang balarila noon ay inakma sa panahon noon, ang balarila ngayon ay marapat ring iakma sa panahon ngayon. Gayundin ang pag-akap sa mga bago at napapanahong lapit. Ngunit, ang dalumat na ito ay magiging malaking katanungan sa ilan. Hindi na ba akma ang wika ng ilang daang taon sa wika ngayon?