33 0 29KB
Sa kasalukuyang panahon, kung saan laganap na ang teknolohiya kagaya ng social media, pagtetext at iba pa gamit ang mga gadgets, di natin maikakailang karamihan sa ating mga Pilipino ay naiimpluwensyahan na mula sa mga ito at tayo’y pilit ring umaangkop at nakikisabay sa mga pagbabagong nagaganap sa ating kapaligiran lalong lalo na pagdating sa wika. Dahil dito, iilan na lamang sa mga kahalagahan ng wika ang nananatili parin sa kasalukuyan. Halimbawa nito ay ang pagpapalaganap ng kaalaman. Ayon sa isinagawang eksperimento ng GMA News, kung saan sinubukan nilang alamin mula sa mga kabataan ngayon at ilan sa mga matatanda ang kahulugan ng mga lumang salita kagaya ng alimpuyok, papagayo at salakat, wala sa mga modernong kabataan ang nakakuha ng tamang sagot o kahulugan ng mga salitang ito subalit may isang matanda ang nakakuha naman ng tamang sagot. Ayon sa ulat na ito, masasabi nating mahirap para sa mga kabataan ngayon ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa wika mula sa ating kasaysayan. Halimbawa nalang nito ay ang mga nobela ni Rizal kung saan mga lumang salita ang mga ginagamit dito. Isa rin sa mga nagpapatunay ng pag-usbong ng ating wika ay ang paglaganap din ng mga iba’t ibang salitang nalilikha sa modernong panahon kagaya ng “jejemon”, “gay language” at mga salitang may halong Ingles. Halimbawa ng mga ito ay “echusera”, “eow pows”, “aketch” (ako) at iba pa. Masasabi natin na ang wika sa kasalukuyan ay hindi nakakatulong tungo sa maayos na komunikasyon. Halimbawa nalang ay kung tayo’y nakikipag usap sa mga nakakatanda gamit ang mga salitang ito, maaaring hindi tayo lubos na naiintindihan nila dahil ang mga salitang ito’y lingid sa kanilang kaalaman. Masasabing mas nagkakaroon ng pagkakaintindihan ang mga Pilipinong naaayon sa modernong panahon at kasabay rin dito ang pag unlad na rin ng ating wika at mula dito maaaring maging isang instrumento parin ng komunikasyon at nagpapalaganap ng kaalaman and wikang pang moderno. At hindi rin naman natin masasabing hindi na talaga nananatili sa kasalukuyan ang mga kahalagahan ng wika dahil ang mga ito’y patuloy pa rin na ipinagtuturo sa iba’t ibang mga paaralan ng ating bansa sa asignaturang Filipino. Bilang isang parte ng makabagong henerasyon, para sa akin, hindi naman masamang makisabay sa mga modernong uso at pakikibagay sa mga pagbabago sa ating wika ngunit mas makabuluhan kung lilinangin ko muna ang sariling atin. Hindi ko din maikakailang ako’y naiimpluwensiyahan parin sa modernong wika ngunit ang tanging magagawa ko lamang ay ang mas bigyan ng pansin ang pagpapanatili ng nakasanayang wika dahil ito lamang ang tunay na nagbibigay ng identidad sa ating mga Pilipino. At dahil sa parang naging isang natural na na proseso ang pagbabago ng ating wika sa modernong panahon, kahit ilang taon ang magdaan, pananatilihin ko pa ring pagyamanin ang aking kaalaman tungkol sa ating wikang Filipino.